Walang kapangyarihan si Pangulong Rodrigo Duterte na makipagkasundo sa China para makapangisda sa Exclusive Economic Zone ng Pilipinas ang mga Tsino.
Ito ang iginiit ng mga eksperto matapos aminin ng pangulo na may mutual agreement siya kay Chinese Pres. Xi Jinping kaya hindi niya maaaring pagbawalan ang mga Tsino na pumasok sa karagatan ng bansa.
Ayon kay Christian Monsod, isa sa mga bumuo ng 1987 Constitution kung totoo ang kasunduan, posibleng maharap sa impeachment ang pangulo.
Para kay dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales, walang ngipin ang nasabing kasunduan dahil hindi naman ito inaprubahan ng mga taumbayan.
Ayon naman kay Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio, malinaw na ang pagpapalutang na baka magkaroon ng giyera ay para lang takutin ang mga Pilipino at hayaan ang pagpasok ng mga Tsino sa EEZ ng bansa.
Depensa ng Malacañang, tinutupad lang ng pangulo ang kanyang mandato na maglingkod at protektahan ang publiko sa pamamagitan ng pag-iwas sa giyera sa China.