Cauayan City, Isabela- Nilagdaan na ng Department of Trade and Industry (DTI) Isabela at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Isabela ang kasunduan para tulungan ang mga Micro Small and Medium Enterprises (MSMEs) sa probinsya pagdating sa pagkukumpuni at pagpapanatili ng kanilang Shared Service Facilities (SSF).
Pinangunahan nina DTI- R2 Isabela Director Winston T. Singun at TESDA R-2 Isabela Director Vilma C. Cabrera ang signing ng Memorandum of Agreement (MOA) na sinaksihan nina ISAT Superintendent Edwin P. Madarang at SICAT Superintendent Danilo P. Pacis.
Sa ilalim ng pinirmahang MOA, magpapadala ng bihasang technician ang Isabela School of Arts and Trades (ISAT), at Southern Isabela College of Arts and Trades (SICAT) upang ayusin ang mga sirang kagamitan at makinarya ng SSF at magbibigay din ng mga karagdagang kaalaman at pagsasanay sa paggamit at pag-aayos ng mga may depektong makina.
Sasagutin na ng TESDA ang bayad sa pagkukumpuni ng kagamitan sa itinalagang SSF Project site o sa TESD Center habang ang benepisyaryo naman ang magbibigay ng mga supply at materyales na kinakailangan para sa pagkumpuni.
Ang lalawigan ng Isabela ay mayroon ng 94 SSF Projects sa kasalukuyan.
Ayon naman kay PD Singun, itinuturing na ngayon bilang best practices ng DTI at TESDA Isabela ang nasabing kasunduan at inaasahan aniya nito na tutularan din ng iba pang mga karatig lalawigan sa rehiyon dos.