Lumabas sa pagdinig ng Senado na wala pang kasiguraduhan ang pagbili ng gobyerno ng 25 milyong doses ng COVID-19 vaccine mula sa Chinese firm na Sinovac.
Sa pagtatanong ni Senator Nancy Binay ay nilinaw nina Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr. at Testing Czar Vince Dizon na hindi pa nagbabayad ang pamahalaan at hindi pa naisasapinal ang kasunduan sa Sinovac.
Paliwanag pa ni Galvez, ang kakahinatnan ng kasunduan ay depende sa magiging rekomendasyon ng vaccine experts panel at sa pag-apruba ng Food and Drug Administration (FDA).
Ang planong pagbili ng pamahalaan sa Sinovac ay ilang beses nang tinutulan ng mga senador dahil 50% lang ang efficacy rate nito.
Sa Senate hearing ay sinabi naman ni Philippine Foundation for Vaccination Executive Director Dr. Lulu Bravo, na ang 50% minimum efficacy ay pasok sa itinatakda ng World Health Organization (WHO) na sapat na sa gitna ng pandemya.
Dagdag pa ni Dr. Bravo, mas maigi na ang may partial protection kaysa wala talagang proteksyon laban sa virus.