Pinapasumite ng House Committee on Legislative Franchises sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang kasunduan ng mga shareholder nito.
Ayon kay Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers, layunin nito na matukoy kung mga Pilipino o Chinese ba ang may hawak at kontrol sa pamamahala sa NGCP na nag-iisang power grid operator sa bansa.
Sinabi ito ni Barbers makaraang mabigo ang NGCP na isumite ang nabanggit na mga dokumento na pina-subpoena ni House Deputy Speaker at Quezon 2nd District Rep. David “Jay-Jay” Suarez sa nakaraang pagdinig.
Paliwanag naman ni NGCP official Lally Mallari, hindi nila maibigay sa Kamara ang dokumento dahil ito ay “protected by confidentiality” alinsunod sa Section 23 ng Republic Act 9285 o ang Alternative Dispute Resolution Law.
Paliwanag pa ni Mallari, ang naturang kasunduan ay bahagi rin ng arbitration case sa Singapore kasama ang NGCP, Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation, at National Transmission Corporation.
Iginiit naman ni Committee Chairman at Parañaque City 2nd District Rep. Gus Tambunting, hindi saklaw ng naturang mga batas ang mga pagdinig ng Kamara para sa pagbalangkas ng panukalang batas.