Kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at India kaugnay sa 30-M doses ng Novavax, malapit nang maselyohan

Malapit nang maisara ang negosasyon sa pagitan ng Pilipinas at ng India para sa 30 milyong doses ng Novavax anti-COVID-19 vaccines.

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Indian Ambassador Shambhu Kumaran na sa oras na malagdaan na ang supply agreement ay maaari nang makarating sa bansa ang mga bakuna na posibleng mai-deliver sa ikalawa o ikatlong quarter ng 2021.

Kamakalawa matatandaang lumipad si National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer at Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez sa India kaugnay ng inaasahang paglagda ng Pilipinas sa supply agreement kasama ang Novavax para sa 30 milyong doses ng mga bakuna.


Samantala, umaasa rin ang Indian government na pumasok at makapagsara din ang Pilipinas ng kasunduan para naman sa mga COVID-19 vaccines na mula sa Bharat.

Sa ngayon, pending ang Emergency Use Authorization (EUA) application ng Bharat sa India Food and Drug Administration (FDA) at umaasa silang maigagawad ito lalo na’t base aniya sa pag-aaral ng mga eksperto ay nasa 81% ang efficacy rate nito.

Facebook Comments