Maayos na naipapatupad ang pre-registration ng National ID System sa 32 lalawigan na may 119 local government units (LGU).
Ito ay matapos lumagda ang mga ito ng memorandum of agreements (MOA) sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Ayon kay Interior Undersecretary Jonathan Malaya, layunin ng mga kasunduan na matiyak na magiging matiwasay ang proseso ng programa na isinasagawa katuwan ang PSA at LGUs.
Ang pre-registration ay step 1 ng National ID System na nagsimula nitong October 12 na layong bisitahin ang nasa limang milyong Pilipino sa 32 probinsyang may mababang kaso ng COVID-19.
Dagdag pa ni Malaya, nasa 216 LGUs ang nakumpleto na ang koordinasyon sa PSA at maaari na ring lumagda sa MOA ngayong linggo.
Ang pre-registration ay magtatagal hanggang December 30 habang ang registration proper o step 2 ay magsisimula ang November 12 hanggang December 30.