Ipinanukala ng Sangguniang Bayan ng Binmaley ang kasunduan sa pagitan ng lokal na pamahalaan at ng pamunuan ng Our Lady of the Purification Parish na may kaugnayan sa pagkilala, proteksyon, pangangasiwa at pangangalaga sa heritage cultural property sa Binmaley.
Sa panayam kay Binmaley Mayor Pedro Merrera III, inendorso bilang ‘urgent matter’ ang naturang resolusyon upang magkatuwang na aksyunan ng gobyerno at simbahan ang pangangalaga sa kasaysayan, alinsunod sa RA 10066 o ang National Cultural Heritage Act of 2009.
Dagdag ng alkalde, layunin na mapanatili ang alin mang istruktura o lugar sa nasasakupang bayan bilang paalala sa mga susunod na henerasyon habang tumatalima sa itinakda ng batas.
Sa naunang panayam sa Our Lady of Purification Parish, inihayag nito ang walang pagdadalawang-isip na pagsunod sa batas at inihayag ang posibleng pagkansela sa planong reconstruction kapag napatunayang heritage site ang nasimulan nang gibain na arko.
Sa pagtatala naman ng lokal na pamahalaan, anumang istruktura na nakatayo sa loob ng limampu hanggang isang daang taon ay maituturing nang makasaysayan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










