Manila, Philippines – Aminado si Metro Rail Transit Operations Director Deo Manalo na hindi talaga maayos ang serbisyo ng Busan Universal Rail Inc. o BURI na maintenance provider ng MRT 3 kasunod ng serye ng aberya ng mga tren.
Sa interview ng RMN kay Manalo, sinabi nito na binalaan at binigyan ng Department of Transportation (DOTr) ng pitong araw ang kompanya ng BURI para ipaliwanag kung bakit hindi dapat kanselahin ang nasa P3.81 bilyong kontrata.
Pero, una nang sinabi ng Korean-based company na hindi akma ang grasa na ginagamit sa MRT-3 sa sobrang init ng panahon ngayon sa Metro Manila dahil sa summer season.
Kaugnay Naman sa pagpapalit ng mga bagong bagon ng tren, sinabi ni manalo na patuloy pa nilang nire-review ang sistemeng gagamitin para rito.
Aniya, hindi pa rin nareresolba ang isyu sa paglalagay ng signaling system para sa mga bagong tren ng MRT.
Sa huli, humingi ng paumanhin sa publiko ang pamunuan ng MRT dahil sa aberyang idinudulot nito.
Gayunman, tiniyak nito na gumagawa sila ng paraan para lalo pang mapaganda ang kanilang serbisyo.
Sa ngayon, nasa dalawampung tren ang gumagana tuwing peak hours.