Muling nagpaalala ang COMELEC Pangasinan sa mga kandidato para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Election 2023 matapos ang naganap na pagpapadala ng show cause order sa ilang kandidato sa lalawigan ng Pangasinan.
Sa naging panayam ng IFM Dagupan kay COMELEC Pangasinan Election Supervisor Atty. Marino Salas, sinabi nito na nasa limang kandidato ang napadalhan na ng COMELEC Central Office ng show cause order o ipinagpapaliwanag ang mga ito dahil sa premature campaigning.
Inihayag din nito ang mga lugar ng Asingan, Pozorrubio, Bayambang at Dagupan City kung saan nagmula ang mga kandidatong sangkot sa premature campaigning kung saan aniya ginamit ng mga ito ang kani-kanilang mga social media account upang mangampanya.
Ang naturang show cause order ay kailangang maipaliwanag sa loob ng dalawampu’t apat na oras ng mga ito at kanilang ipapaliwanag kung bakit hindi sila dapat kasuhan.
Inihayag pa ng opisyal na karamihan dito ay pawang mga kabataan ang nabigyan ng order.
Dahil sa mga pangyayaring ito ay mahigpit muling nagpaalala ang opisyal sa mga kandidato na hintayin na lamang ang panahon ng kampanya.
Samantala, matatandaan na kapag ang isang kandidato ay napatunayang lumabag sa election omnibus code o ang premature campaigning ay maaari itong mabilanggo ng isa hanggang anim na taon, maaaring pagkadiskwalipika at hindi na maaaring kumandidato maging ang paghawak ng government positions. |ifmnews
Facebook Comments