Manila, Philippines – Ilang buwan bago ang Pasko, naglilipana na rin ang mga substandard na laruan sa mga pamilihan, ito ang sinabi ni Thony Dizon, Coordinator ng Eco Waste Coalition’s Project Protect.
Ayon kay Dizon, karamihan sa mga laruan ay nagtataglay ng mataas na lead content at iba pang kemikal na masama sa kalusugan lalo para sa mga bata.
Aniya, bilang pagtalima sa RA 10620 siguruhin dapat ng mga mamimili na mayroong label ang mga laruang bibilhin. Dapat ay mayroon itong,
instructions, ingredients, age grade, cautionary statements, kompletong pangalan at address ng manufacturer at distributor, dahil lahat ng hindi susunod dito ay hindi pinahihintulutang ipagbili.
Sa isinagawang inspeksyon ng grupo sa Divisoria, sa 65 na mga laruan na kanilang nabili sa halagang 20 hanggang 180 piso, dalawa lang dito ang sumunod sa tamang labeling.
Kaugnay nito, nananawagan din ang grupo sa DTI, FDA at DOH na gumawa ng aksyon para tiyakin na hindi makaaabot sa merkado ang mga laruan at gamit na may hazard content at component.