Binigyan diin ni Senator Joel Villanueva na dapat ay may pusong maglingkod at hindi magsasamantala sa taumbayan ang itatalagang bagong President at CEO ng PhilHealth.
Diin pa ni Villanueva, sa ilalim ng Universal Health Care Law ay malinaw na nakasaad na ang PhilHealth President ay dapat may pitong taong karanasan o higit pa sa larangan ng public health, management, finance at health economics.
Giit naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, mahalagang matiyak na pinaka competent, pinakatapat at may zero-tolerance sa kurapsyon ang itatalagang mga bagong opisyal sa PhilHealth.
Dagdag pa ni Drilon, dapat ikonsidera ang kanilang integridad, edukasyon, competence, gayundin ang background sa finance at management.
Sabi naman ni Senate President Tito Sotto III, nakapaloob sa ilalabas niyang report ng Committee of the Whole ang mga katangian ng dapat mamuno sa PhilHealth.
Inihayag naman ni Committee on Health and Demography Chairman Senator Christopher “Bong” Go na ang susunod na pinuno ng PhilHealth ay dapat magtaguyod sa misyong ibalik ang integridad sa ahensya.
Paliwanag ni Go, ito ay para mabigyan ng garantiya ang mamamayang Pilipino na nagagamit ng tama ang pera ng bayan para sa pagbibigay ng mahusay na serbisyong pangkalusugan.
Mahalaga rin para kay Go na mamuno sa PhilHealth ay may zero-tolerance policy sa corruption, may will power para linisin ang ahensya, at marunong ding magkwenta para macheck kung tama ang paggamit sa pondo.