Katapangan ng isang Korporal, Sinaluduhan

Camp Melchor F dela Cruz, Upi, Gamu, Isabela – Ipinapaabot ni MGen. Paul Talay Atal, kumander ng 5ID, Philippine Army ang kaniyang pakikiramay sa pamilya ni Corporal Denver Banban, nasawi sa engkuwentro sa pagitan ng 86IB at mga NPA sa Bayan ng Echague, Isabela kahapon ng Nobyembre 12, 2017.

Ayon kay Heneral Atal, ang ipinamalas na katapangan ni Cpl Banban at ang pagbuwis sa kaniyang buhay para sa katahimikan sa kanayunan ay isang bagay na dapat hangaan at saluduhan.

Binigyan diin din ng heneral na makakaasa ang naiwang pamilya ni Cpl Banban na matatangap nila lahat ang tulong at suporta mula sa pamahalaan.


Samantala, sa opisyal na pahayag ng pamunuan ng 5ID, PA sa pamamagitan ni Army Captain Jefferson Somera, pinuno ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5ID, PA sa RMN Cauayan ay ipinabatid na ang serye ng engkuwentro ng mga kasundaluhan ng 5ID sa mga komunista ay mula sa mga sumbong ng mga sibilyan kaugnay sa presensiya ng mga NPA sa kanilang lugar.

Maalala na noong Nobyembre 8, 2017 ay ay naka recover ang hanay ng 50IB ng limang matataas na kalibre ng baril at ibat ibang kamit pangkumunikasyon sa Balbalan, Kalinga, pagkatapos ng 2 oras na palitan ng putok.

May naganap ding enkwentro sa Brgy Alangtin, Tubo, Abra, sa pagitan ng 24IB at mga binabansagang komunistang teroristang NPA bandang alas dos ng hapon ng Nobyembre 12, 2017 kung saan ay may narekober na rifle grenade, bandolier, anim na short magazine na may lamang mga bala ng M16, medical kit, at 50 metro na kable at switch ng land mine. Sa engkuwentrong ito ay sugatan ang dalawang kasapi ng 24IB.

Kasalukuyan namang biniberika kung may nasawi sa hanay ng NPA sa pinakahuling engkuwentro sa Echague, Isabela kung saan ay namatayan ang militar ng isang sundalo.

Tuloy pa rin ang operasyon ng 86th IB kontra sa mga umatras na kasapi ng NPA sa naturang lugar.

Facebook Comments