Umani ng papuri mula sa publiko ang isang pulis mula sa Calasiao matapos niyang isauli ang halagang ₱10,000 na kanyang napulot sa isang ATM sa lungsod ng Dagupan noong Disyembre 31, 2025.
Ayon kay PMSG Diosdado Tucay, napansin niya ang perang iniluwa ng ATM matapos mag-withdraw ang isang indibidwal na agad na umalis.
Sa halip na balewalain, ipinaalam niya ito sa kanilang himpilan at humingi ng tulong sa social media upang matunton ang may-ari.
Hindi nagtagal ay natukoy rin ang may-ari ng pera, na isang nurse mula sa Region 1 Medical Center, matapos makapagpakita ng mga kaukulang dokumento.
Agad namang naibalik ang pera, bagay na labis na ikinatuwa at ipinagpasalamat ng may-ari dahil malaking tulong umano ito sa kanyang pang-araw-araw na gastusin.
Para kay PMSG Tucay, bahagi ng kanyang 17 taong serbisyo ang pagiging tapat at ang pagsisilbing mabuting halimbawa sa komunidad.
Isang magandang balita naman ito sa pagsisimula ng bagong taon, na nagpapakita na nananatili ang integridad at malasakit ng mga lingkod-bayan sa kabila ng mga hamon ng buhay.










