Manila, Philippines – Pinaalalahanan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng opisyal ng pamahalaan na huwag isabit ang kanyang larawan sa kanilang mga opisina.
Matatandaan na sa pamamagitan ng Memorandum Circular number 25 na inilabas nitong nakaraang Setyembre na nilagdaan ng Pangulo ay inaatasan nito ang lahat ng tanggapan at mga opisyal ng pamahalaan na ilagay sa mga opisina ang larawan ng mga bayani imbes na ang larawan ng pangulo.
Ayon kay Pangulong Duterte, hindi siya bayani kaya hindi dapat inilalagay ang kanyang larawan sa mga opisina ng pamahalaan.
Paliwanag ni Pangulong Duterte, kahit noong siya ay Mayor pa ng Davao City ay ito din ang kanyang ipinatutupad dahil para sa kanya, kung gustong ipakita ng isang opisyal ang kanyang katapatan sa bansa ay bayani ang dapat nakalagay sa kanyang opisina.
Binigyang diin ng pangulo na walang epekto sa kanya at hindi niya kailangang makita ang kanyang larawan sa mga opisina ng mga opisyal ng pamahalaan at mas matutuwa pa aniya siya kung ginagawa ng mga opisyal ng pamahalaan ang kanilang mga trabaho.
Batay sa kautusan ng pangulo, maaaring ilagay na mga larawan ng mga bayani ay kina, Dr. Jose Rizal, Andres Bonifacio, Emilio Aguinaldo, Apolinario Mabini, Marcelo de Pilar, Melchora Auino at iba pa.
KATAPATAN SA BANSA | Paglalagay ng mga larawan ng mga bayani sa mga opisina ng pamahalaan, ipinaalala ni P-Duterte
Facebook Comments