Isinulong ni Manila Teachers Party-list Rep. Virgilio Lacson ang pagbuo ng “typhoon vulnerability reduction plan” para sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa na karaniwan ding ginagamit bilang pansamantalang tuluyan o evacuation centers.
Nakapaloob ito sa House Bill 3146 na inihain ni Lacson na layuning mapondohan at magkaroon ng programa na titiyak sa katatagan ng mga public school buildings laban sa mga kalamidad at iba pang sakuna.
Paliwanag ni Lacson, ang mga paaralan ay kabilang din sa mga pampublikong pasilidad na “prone” o nadadale rin ng mga sakuna, o kaya’y napipinsala kaya exposed din sa kapahamakan ang mga estudyante at guro pati ang mga evacuees.
Inaatasan ng panukala ni Lacson ang Department of Education o DepEd na bumuo ng komite na siyang tutukoy kung “low, medium o high” ang “vulnerability rate” ng mga pampublikong eskwelahan, batay sa lokasyon, layout, istruktura at konstruksyon.
Ang nabanggit na komite rin ang magpapatupad ng plano at “school building retrofitting” upang matugunan ang mga problema sa mga pasilidad.