
Cauayan City — Isang babae ang natagpuang wala nang buhay sa isang waiting shed malapit sa kanto ng Alcabedas Street at Zipagan Street, Barangay District 1, bandang alas-5:20 ng umaga nitong Mayo 2, 2025.
Kinilala ang biktima sa alyas na “Neneng,” 55 taong gulang at residente ng nasabing lugar.
Ayon sa ulat ng pulisya, isang concerned citizen ang tumawag sa mga awtoridad at iniulat ang insidente bandang alas-8:40 ng umaga, dahilan upang agad rumesponde ang mga otoridad at makipag-ugnayan sa Cauayan City Satellite Forensic Unit para sa masusing pagsusuri sa lugar ng insidente.
Sa paunang imbestigasyon, si Ricardo Mendoza ang nakakita sa bangkay. Ayon sa kanya, matagal nang may iniindang karamdaman si “Neneng” dulot umano ng labis na paninigarilyo. Ilang araw na rin umano itong nagsusuka ng dugo bago ang insidente.
Natagpuan din sa paligid ng waiting shed ang ilang kahon ng sigarilyo. Ayon sa pamilya ng biktima, naniniwala silang ang pagkamatay nito ay sanhi ng matagal nang karamdaman na may kaugnayan sa paninigarilyo.
Dinala ang labi ni “Neneng” sa Cauayan District Hospital para sa pagsusuri at kalauna’y inilipat sa isang punerarya sa Cabatuan, Isabela.









