Cauayan City – Palutang-lutang at wala ng buhay ng matagpuan ang katawan ng isang 9 na taong gulang na batang lalaki sa irigasyon sa Brgy. Cutog Pequeño, Reina Mercedes, Isabela, kahapon, ika-14 ng Setyembre.
Sa eksklusibong panayam ng iFM News Team kay Police Lieutenant Romel Rivera, Deputy Chief ng Reina Mercedes Police Station, ang biktima ay kinilalang si Joseph Ballesteros, estudyante, at residente ng Brgy. Macañao, Luna, Isabela.
Una rito, nakatanggap ng tawag ang Reina Mercedes Police Station mula sa Luna Police Station kaugnay sa insidente ng pagkalunod sa Macañao Irrigation System na matatagpuan sa Brgy. Cutog Pequeño, Reina Mercedes.
Ayon sa pagsisiyasat ng mga awtoridad, alas onse ng umaga sa nabanggit na araw ay umalis sa kanilang tahanan ang biktima upang puntahan ang kanyang kaklase subalit sumapit na ang oras ng pananghalian ay hindi pa rin ito umuuwi.
Bandang alas kuwatro ng hapon sa parehong araw ay isang concerned citizen ang nakakita sa lumulutang na katawan ng bata kaya naman kaagad nitong ipinagbigay ang insidente sa mga awtoridad.
Nagpaalala naman si PLT Rivera sa publiko partikular na sa mga nakatira malapit sa katubigan na mag-ingat, bantayan, at huwag hahayaang makalapit sa tubig ang mga bata lalo pa’t ngayong panahon ng tag-ulan at sakuna na posibleng tumaas ang lebel ng tubig sa mga ilog, irigasyon, at mga sapa.