Manila, Philippines – Isinumite na ng DOJ sa Office of the Ombudsman ang nakabinbing reklamo ng katiwalian laban kay dating Chief Justice na si Maria Lourdes Sereno.
Ang reklamo ay kaugnay sa kabiguan ni Sereno na maghain ng kanyang SALN sa loob ng 17 taon noong siya ay professor pa sa UP College of Law.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, ipinasa na ng DOJ sa Tanggapan ng Ombudsman ang mga reklamo laban kay Sereno na isinampa ni Atty. Larry Gadon.
Si Sereno ay ipinagharap ng mga reklamong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at An Act Establishing A Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Nabinbin ang reklamo sa DOJ habang dinidinig noon ang impeachment case sa Kamara at ang quo warranto sa Korte Suprema.