Katiwalian sa BuCor, posibleng muling imbestigahan ng Senado

Pinag-aaralan ng senado kung kailangang buksan muli ang pagdinig ukol sa mga katiwalian sa Bureau of Corrections (BuCor) at New Bilibid Prison (NBP).

Ito ang inihayag ni Senator Richard Gordon kasunod ng pagpaslang kay dating BuCor Legal Division Chief Atty. Fredric Anthony Santos.

Ayon kay Gordon, kokonsultahin muna niya ukol dito si Senate President Vicente “Tito” Sotto III at iba pang kapwa senador.


Si Gordon ang Chairman ng Senate Committee on Justice and Human Rights at Senate Blue Ribbon Committee na nagsagawa ng pagdinig ukol sa umano’y bentahan ng Good Conduct Time Allowance o GCTA para mapalaya ang mga preso sa NBP.

Kaugnay nito, ay iginiit naman ni Gordon sa National Bureau of Investigation (NBI) na agad magsagawa ng imbestigasyon para maresolba ang kaso ng pagpaslang kay Santos at sa iba pang pinatay na ospiyal ng BuCor na umaabot na sa 15 simula noong 2011.

Facebook Comments