
Tinalakay na sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ang umano’y katiwalian sa loob ng Bureau of Internal Revenue (BIR) partikular sa pang-aabuso sa Letter of Authority (LOA) na ginagamit umano sa money-making scheme ng ilang tauhan ng ahensya.
Ang naturang LOA ay nagbibigay ng kapangyarihan sa mga revenue officer na suriin at i-audit ang mga book of accounts ng isang taxpayer para matukoy ang dapat na bayarang buwis.
Tinukoy ni Senator Erwin Tulfo sa imbestigasyon na sa maraming taon ay nakaranas ng hindi patas na pagtrato mula sa ilang opisyal at examiners ng BIR ang mga negosyante mula sa mga maliliit na family business hanggang sa mga malalaking korporasyon.
Marami aniya sa mga negosyante ang nakaranas ng pananakot, pinilit at hiningian ng hindi makatwirang pag-areglo kapalit ng pag-atras sa tax investigation.
Dagdag pa ni Tulfo, maging ang mga international companies ay nagpahayag ng pangamba sa naturang pang-aabuso batay na rin sa ipinaaabot ng foreign Chambers of Commerce at maging sa ilang ambassador.
Mayroon pa aniyang mga alegasyon na malaking bahagi ng nakokolekta mula sa LOAs ay hindi napupunta sa gobyerno.
Batay pa sa nakalap na impormasyon, 25 percent lamang ang na-i-remit nang may resibo habang 75 percent ay napunta sa bulsa ng ilang examiner, revenue district officers at regional directors.









