Katiwalian sa PhilHealth, iimbestigahan ng Senado

Pangunahing agenda ng Senado sa pagbubukas ng session simula sa susunod na linggo ang imbestigasyon sa umano’y mismanagement sa pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Ayon kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III, mahalagang magsagawa ang Senado ng full blown investigation sa harap ng kaliwa’t-kanang batuhan ng alegasyon at depensa sa PhilHealth.

Kaugnay nito ay binabalangkas na ni Senator Panfilo “Ping” Lacson ang resolusyon para sa gagawing imbestigasyon ng Senado bilang Committee of the Whole sa kontrobesya sa PhilHealth.


Sa impormasyon ni Lacson, lumabas sa internal audit mismo ng PhilHealth na may isang bilyong pisong halaga ng umano’y kwestyunableng transaksyon.

Kabilang umano dito ang 98 million pesos na halaga ng overprice sa hindi pa matukoy na transaksyon.

Ito ang rason kaya nagkaroon ng sigawan sa ginawang virtual meeting sa pagitan ng pangulo ng PhilHealth at ilang board members na naging dahilan kaya nagbitiwan ang ilan nitong opisyal.

Diin ni Lacson, nakakadismaya at karumal-dumal na may nangyayaring anumalya sa PhilHealth habang may COVID-19 pandemic.

Facebook Comments