Kinokondena ng mga katutubong Molbog ng Balabac, Palawan ang paggamit ng kanilang pangalan ng grupong SAMBILOG-Balik Bugsuk Movement para sa ilang political agenda at pansariling interes.
Sa pahayag ni Chieftain Ariel Monsarapa, ng Balabac Municipal Indigenous People Mandatory Representative (IPMR), hindi nila hahayaan ang grupo na gumawa ng hakbang para masira ang tahimik nilang pamumuhay.
Aniya, sinisira ng mga maling gawain ng SAMBILOG-Balik Bugsuk Movement ang respeto at pagkakaisa sa ibang grupo tulad ng mga Pala’wan na nasa kabundukan ng Palawan, at iba pang mga pamayanan mula sa Borneo, Sulu, at Tawi-Tawi
Giit pa ni Monsarapa, ang naturang grupo ay binubuo ng mga indibidwal na walang kaugnayan sa Balabac kung saan karamihan sa kanila ay nagmula sa mainland Palawan at ang ilan ay hindi naman mga katutubo.
Kaya’t dahil dito, maituturing na mga dayuhan ang ilan sa kanila at walang karapatang angkinin ang lupa ng kanila ng ninuno.
Ang nasabing grupo ay dati nang nag-apply sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program upang magkaroon ng Certificates of Land Ownership Award na naging salungat sa mga batayan ng Indigenous Peoples’ Rights Act.