Cauayan City, Isabela- Nagpasaklolo sa mga otoridad ang grupo ng Katutubong Agta mula sa Barangay Calassitan, Sto. Niño, Cagayan dahil umano sa ginagawang pang-aabuso sa kanila ng mga kasapi ng CPP-NPA.
Magkakatuwang na inalam ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno gaya ng Commission on Human Rights (CHR),NCIP at 17th Infantry Battalion ang hinaing ng mga katutubo dahil sa ginawa umanong paglabag ng rebeldeng grupo sa kanilang karapatang pantao.
Sa ibinahaging impormasyon ng katutubong Agta, sapilitan umano silang bininigyan ng armas ng mga tauhan ng rebelde upang mapilitang sumapi sa kanilang kilusan at pwersahan din ang pagkuha ng mga ito sa Kabataang Agta.
Anila, walong (8) katao na ang sapilitang pinaanib sa grupo matapos maiulat na nawawala sa kasalukuyan kabilang dito ang apat (4) na menor de edad.
Pinatunayan ito ni alyas James, isang katutubong Agta kung saan makailang beses nitong tinanggihan ang panghihikayat ng mga rebelde na sumama sa kilusan ngunit sapilitan pa rin umano itong kinuha ng mga rebeldeng grupo.
Kaugnay nito, ikinaalarma ni Ginang Josephine C. Patagguan ng NCIP Cagayan ang ulat na patuloy pa rin ang mga rebeldeng CPP-NPA sa paggamit sa mga katutubong Agta kung kaya’t malaki ang kanyang naging pasasalamat sa tropa ng kasundaluhan at CHR sa tulong na ipinagkaloob para sa mga katutubong Agta.
Samantala, kaagad namang aaksyunan ng CHR ang hinaing ng mga katutubo dahil mandato ng ahensya na mapangalagaan ang karapatang pantao ng sinuman.
Hindi rin umano papalampasin ng ahensya ang mga ginagawang pang-aabuso ng NPA sa karapatang pantao ng katutubong Agta.
Ang paggamit sa mga kabataan upang maging panangga sa mga engkwentro at magamit sila sa mga krimen ay maliwanag na hindi lamang paglabag sa batas kundi paglabag din sa kanilang karapatan.
Ayon naman kay LtCol. Angelo C Saguiguit, Commanding Officer ng 17IB, kaisa ang kasundaluhan sa pagprotekta sa karapatang pantao ng bawat isa.
Aniya, magbalik-loob na lamang sa pamahalaan ang mga rebelde dahil bukas umano ang gobyerno para sa pagbibigay ng bagong buhay.
Photos | 17th Infantry Battalion, Philippine Army