Katutubong Dumagat sa Isabela, Hinubog ang Kakayahang maging Pinuno

Cauayan City, Isabela- Matagumpay na hinubog ang kakayahang mamuno sa kani-kanilang tribo ang 60 na katutubong Dumagat sa bayan ng Divilacan, Isabela ng magkatuwang na pwersa ng kasundaluhan, kapulisan at LGU.

Ito ay sa pamamagitan ng isinagawang tatlong (3) araw na Indigenous People Leadership Summit (IPLS) na may temang “Katutubong Pilipino: Kultura ay ating Linangin at Pagyamanin”.

Nagtulong-tulong ang 95th Infantry SALAKNIB Battalion, 5th CMO Battalion, National Commission on Indigenous People (NCIP), LGU Divilacan at PNP Divilacan para maipamulat sa mga katutubo ang kanilang mga tungkulin sa komunidad upang maprotektahan ang kanilang karapatan at mapaunlad ng likas yaman at mapahalagahan ang kanilang Kasaysayan at Kultura.

Malaki naman ang naging pasasalamat ni Mayor Venturito C. Bulan ng Divilacan, Isabela sa pagsali ng mga kababayang Dumagat sa programa ng pamahalaan ganun din sa 95th IB dahil sa pag-organisa sa naturang aktibidad.

Samantala, bilang bahagi ng IPLS ay namahagi ng mga food packs ang Municipal Social Welfare and Development at ang Non-Government Organization na EndChild Philippines sa mga dumalong katutubong Dumagat na labis naman nilang ipinagpapasalamat bukod sa kanilang sinalihang summit.

Facebook Comments