Kauna-unahang babaeng brigade commander ng Phil. Army, nagsimula na sa bagong assignment

Pormal na nanungkulan kahapon ang kauna-unahang babaeng Brigade Commander ng Philippine Army.

Ang babaeng opisyal na ito ay kinilalang si Colonel Joselyn Bandarlipe bilang Commander ng 53rd Engineer (Visayas Builders) Brigade, kapalit ni Brig. Gen. Ramon Evan Ruiz.

Ang Change of Command Ceremony ay pinangunahan ni Philippine Army Commanding General Macairog Alberto sa Camp Lapu-lapu, Cebu City.


Si Bandarlipe ay nagsilbi bilang Chief of Staff ng 53rd Engineer Brigade bago ang kanyang pag-upo bilang Commander, ang pinaka-senior na babaeng opisyal ng Philippine Army.

Una na ring nagsilbi si Bandarlipe bilang commanding officer ng 546th Engineer Construction Battalion sa Borongan, Eastern Samar at ng 514th Engineer Construction Battalion sa Nasugbu, Batangas.

Siya ay kinilala bilang Best Battalion Commander ng 53rd Engineer Brigade noong 2006 at tumanggap ng Outstanding Achievement Medal at apat na Distinguished Service Stars.

Ayon kay General Alberto, si Bandarlipe ang “best choice” na mamuno sa “Visayas builders” dahil sa kanyang malawak na karanasan sa larangan ng engineering at sa kanyang mahusay na pamumuno sa mga posisyong kanyang hinawakan.

Facebook Comments