Naihatid na sa huling hantungan ang kauna-unahang babaeng alkalde ng bayan ng Calasiao na si late Hon. Mamilyn “Maya” Agustin-Caramat sa Garden of Eden Memorial Park sa Brgy. San Miguel sa nasabing bayan nito lamang ika-18 ng Enero, taong kasalukuyan.
Sa kanyang libing, dinagsa ito ng libo-libong Calasiaoeños at lahat ng mga nagmamahal sa alkalde bilang huling pagkakataong kanilang masilayan ito at sa pagpapakita na rin ng pakikiramay at suporta sa mga naiwan nitong mga pamilya, katrabaho at marami pang iba.
Bago ang araw ng kanyang libing, isinagawa ang isang necrological service at public viewing sa Municipal Plaza partikular na sa Miracle Garden Christmas Village na dinagsa naman ng daan-daang pang mga residente kung saan bumuhos din mula sa kanyang mga kakilala at katrabaho at kanilang sinariwa ang lahat ng kanyang mga naging achievements, mga naisakatuparang proyekto, mga nagawa sa loob ng anim na buwang panunungkulan nito bilang alkalde maging ang mga nagawa nito bilang Kapitana sa Brgy. Nalsian.
Mula sa mga sinambit ng mga nagbigay ng huling mensahe sa mayora, ang salitang “unifying leader” ang iginawad ng mga ito sa yumaong lider dahil napagkaisa, napagbuklod-buklod at napagsama umano nito ang dating magka-alitan, magka-away maging ang magkaibang kulay na partido dahil ayaw umano ng babaeng Caramat na sa isang organisasyon ay mayroong hindi maayos na relasyon kaya’t niyakap at ipinakita sa mga ito na kailangang magkaisa upang magkaroon ng isang magandang pamamalakad at serbisyo para sa kanilang mga nasasakupan.
Sa huling pamamaalam ng kanyang mga naiwang kaanak, nagpasalamat ang mga ito sa taumbayan na sa kahit sa huling sandali ay kanila pa ring ipinaramdam ang mainit na suporta at pagmamahal para sa yumaong alkalde.
Nangako din ang mga kaanak at katrabaho nito na kahit nasa kabilang buhay na ang tinaguriang unang babaeng alkalde ay ipagpapatuloy pa rin nila ang nasimulan at ang mga nais na planong gagawin sa bayan ng Calasiao. | ifmnews
Facebook Comments