Bumabiyahe na patungo sa bansa ang kauna-unahang bagong missile-capable frigate o ang BRP Jose Rizal ng Philippine Navy mula sa Ulsan, South Korea.
Ayon kay Philippine Navy Spokesperson Lieutenant Commander Maria Christina Roxas, nakatakdang dumating sa bansa ang BRP Jose Rizal sa May 23, 2020 partikular sa Subic Anchorage Area sa Zambales.
Aniya, pagdating ng frigate na BRP Jose Rizal sa Zambales, sasailalim muna sa 14-day quarantine ang mga crew bago maisagawa ang technical inspection sa barko at ang gagawing low-key acceptance ceremony.
Sinabi ni Roxas, umalis sa shipyard ng Hyundai Heavy Industries (HHI) sa Ulsan, South Korea ang barkong BRP Jose Rizal kahapon, May 18, 2020.
Isang sail-off ceremony ang isinagawa bago ito umalis.
Ang BRP Jose Rizal ay may haba na 107-meters at may maximum speed na 25 knots, cruising speed na 15 knots at makaka-survive ng 30 araw sa dagat na gawa ng HHI.
Samantala, isa pang frigate na papangalanang BRP Antonio Luna ang nakatakda namang lumayag patungo sa bansa bago matapos ang taong 2020.