Natanggap na ng Department of Migrant Workers o DMW ang kauna-unahang bahagi ng kanilang kabuuang budget para sa taong ito.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni DMW Secretary Susan Toots Ople na naipalabas na ng Department of Budget Management (DBM) ang 566 milyong pisong pondo para sa unang quarter ng taon.
Mula ito sa kabuuang budget o general appropriations act para sa buong taon na 15.8 bilyong piso kung saan 4.1 bilyong piso rito ay para sa Office of the Secretary habang ang malaking bulto na 11.7 bilyong piso ay sa Overseas Workers Welfare Administration o OWWA.
Bagaman naitatag at naisabatas ang paglikha ng DMW nitong nakalipas na taon, hindi na naihabol na mabigyan ito ng pondo, kaya ngayong taon pa lamang sila napaglaanan sa ilalim ng 2023 national budget.