KAUNA-UNAHANG BARANGAY OPERATIONS CENTER SA PANGASINAN, BINUKSAN NA SA BRGY. MALICO BAYAN NG SAN NICOLAS

Pormal nang pinasinayaan ang kauna-unahang pasilidad na Barangay Disaster Operations Center sa Pangasinan na matatagpuan sa Brgy. Malico sa bayan ng San Nicolas nito lamang Lunes, ika-20 ng Marso.
Sa naging panayam ng IFM Dagupan kay Vincent Tiu, ang Operations and Training Head ng PDDRMO, layunin umano ng pagpapatayo ng pasilidad na ito ay upang pag-igtingin pa ang response cluster lalong lalo na umano sa Task Group Level sa Barangay bilang bahagi ng estratehiya para sa higit na epektibong disaster preparedness and response sa lahat ng mga kalamidad sa lugar dahil ang lugar umano ay kabilang sa GIDA o Geographically Isolated and Disadvantaged Areas sa lalawigan.
Ayon pa sa kanya, bukod sa ito ang kauna-unahang pasilidad na ipinatayo sa lugar na inabot umano ng limang buwang usapan sa pagitan ng Lokal na pamahalaan ng Pangasinan at ng LGU San Nicolas ay tinitignan pa umano ang mga lugar na maaaring mapagtayuan ng parehong pasilidad para sa mga residente.

Dagdag pa nito na noong nakaraang buwan ng Disyembre ay nagkaroon na umano ng pagsasanay ang mga kabilang sa Brgy. Officials at mga ilang miyembro ng komunidad ukol sa basic life support gaya na lamang ng first aid, pagtransmit ng pasyente sa hospital at maraming pang iba upang maging handa ang mga ito sakaling mangailangan ng tulong ang mga residente.
Laking pasasalamat ng mga residente dahil nabigyan sila ng ganitong pasilidad kung saan hindi na sila mahihirapan na pumunta pa sa pagamutan sa kadahilanang napakalayo ang lugar sa bayan.
Ang naturang pagpapasinaya ay pinangunahan ng Pangasinan Provincial Government sa pamumuno ng Provincial Disaster Risk and Reduction Management Office (PDRRMO) katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan, LGU San Nicolas at marami pang iba. |ifmnews
Facebook Comments