Cauayan City, Isabela– Kinumpirma ng Department of Health Region 2 na may unang kaso ng COVID-19 sa Lambak Cagayan.
Sa isinagawang press conference sa Lungsod ng Tuguegarao ngayong hapon, kinumpirma ni OIC Regional Director Dra. Leticia Cabrera na isang miyembro ng Bureau of Fire Protection na nakadestino sa Sta. Mesa, Manila ang positibo sa naturang sakit.
Batay sa ulat, isang 44 anyos na at residente ng Caritan Norte, Tuguegarao City, Cagayan.
Ayon kay Director Cabrera, unang umuwi ang pasyente noong March 11 mula sa Metro Manila at ng makarating ito sa kanyang tahanan at magpahinga ay nakaramdam ito ng hirap sa paghinga at pag uubo kaya’t agad itong itinakbo ng kanyang ina at asawa sa Divine Mercy Wellness Center subalit agad ding inilipat sa Cagayan Valley Medical Center.
Sinabi naman ni Dr. Glenn Matthew Baggao, ang Medical Chief ng CVMC na may sakit sa puso ang pasyente at mahigpit nilang binabantayan ang kanyang kalusugan.
Kasalukuyan ngayon ang ginagawang contact tracing ng DOH Region 2, CVMC at Tuguegarao Health Office sa iba pang mga nakasabayan ng pasyente sa Florida Bus noong gabi ng Marso 10, 2020.
Inoobserbahan din ang mga health workers na umasikaso sa naturang pasyente ng idala ito sa ospital.
Pinabulaanan naman ni Baggao ang kumakalat sa social media na namatay ang pasyente dahil sa ngayon ay stable ang sitwasyon nito.
TAGS: COVID 19, DOH Region 2, 98.5 iFM Cauayan, Dr Glenn Baggao, Dr James Guzman, Dr Leticia Cabrera, Florida Bus