Cauayan City, Isabela- Walang naging kasaysayan ng paglalakbay o travel history sa mga lugar na apektado ng Coronavirus Disease (COVID-19) maging sa mga tinamaan ng sakit ang kauna-unahang nagpositibo sa virus sa probinsya ng Quirino.
Ayon sa naging pahayag sa facebook live ni Quirino Governor Dakila Carlo ‘Dax’ Cua, ikinagulat at ikinalulungkot nito ang naging resulta ng RT-PCR Test ng kasambahay dahil simula aniya nang ipatupad ang lockdown sa buong Luzon ay hindi na lumabas ang kasambahay maging ang pamilya.
Kanyang ibinahagi na unang nakaranas ng pananakit ng tiyan ang pasyente kaya’t agad na dinala sa Quirino Provincial Medical Center (QPMC) at ayon sa naging findings ng kanyang attending physician ay walang kaugnayan sa COVID-19 ang kanyang diagnosis.
Gayunman, nag-request ng RT-PCR Test ang ospital bilang pag-iingat at matiyak na ligtas ang pasyente sa COVID-19 bago ito idischarge sa QPMC.
Agad namang inisolate sa bahay ng Gobermador nang makauwi ang pasyente hanggang sa lumabas sa resulta ng kanyang swab test na positibo ito sa COVID-19.
Kaugnay nito, agad na nakipag-ugnayan sa mga doktor na magsagawa ng disinfection sa lahat ng mga lugar na maaaring napuntahan ng pasyente at inabisuhan na rin ang lahat ng mga umasikaso sa pasyente na mag self-isolate.
Ayon pa sa Gobernador, sumailalim na rin ito sa swab test maging ang kanyang pamilya at mga Doktor, nurses na nakasalamuha ng pasyente.
Magsasagawa rin aniya sila ng imbestigasyon kung paano nahawa sa COVID-19 ang kanyang kasamabahay at contact tracing ang mga kinauukulan para sa lahat ng mga nakasalamuha ng pasyente.
Pinaalalahanan nito ang kanyang mga kababayan na mag-ingat sa banta ng COVID-19 at ipanalangin ang bawat isa para sa ikabubuti ng lahat.
Samantala, isinailalim na sa 14-days lockdown ang buong bahay ni Governor Dax Cua bilang bahagi ng protocol para mapigilan ang posibleng pagkalat ng virus.