CAUAYAN CITY- Inilunsad ang kauna-unahang e-Vehicle Charging Station sa probinsiya ng Isabela sa Lungsod ng Cauayan kahapon ika-30 ng Setyembre.
Ang naturang aktibidad ay bahagi ng sustainable program ng SM Mall kung saan nasa 58 charging station ang mayroon sa buong bansa.
Sa panayam ng IFM News Team kay Mayor Jaycee Dy, isang karangalan para sa Lungsod ng Cauayan ang pagkakaroon ng ganitong klaseng programa dahil isinusulong nito ang pagkakaroon ng mas malinis na kapaligiran.
Aniya, isa rin ito sa solusyon sa climate change lalo na ngayon at nararamdaman ang ilang epekto nito katulad na lamang ng biglaang pag-ulan na nagiging dahilan ng pagbaha sa ilang lugar.
Dagdag pa niya, magsisilbing tourist destination ang naturang charging station sa mga gumagamit ng e-vechile sa bansa.
Samantala, inaanyayahan naman ng SM City Cauayan ang lahat ng nagmamay-ari ng electric vehicle sa lalawigan na magtungo sa kanilang mall dahil libre lamang ang pag-charge rito.