
Pirmado na ng Pilipinas at United Arab Emirates ang Comprehensive Economic Partnership Agreement o CEPA sa gitna ng working visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Abu Dhabi.
Pinangunahan ni Pangulong Marcos Jr., kasama si UAE President Sheikh Mohamed bin Zayed Al Nahyan, ang paglagda sa kasunduan sa Abu Dhabi Sustainability Week 2026 na ginanap sa Abu Dhabi National Exhibition Center.
Ang CEPA ang kauna-unahang free trade agreement ng Pilipinas sa isang bansa sa Gitnang Silangan na target palakasin ang kalakalan ng dalawang bansa at magbukas ng mas maraming oportunidad para sa mga Pilipino.
Sa ilalim ng kasunduan, bababa ang buwis sa ilang produkto, mas mapapalawak ang pamilihan ng mga produktong Pilipino, at mas hihikayatin ang pamumuhunan sa bansa.
Inaasahan ding lilikha ito ng mas maraming trabaho at mas magandang kita para sa mga Pilipinong manggagawa at negosyante, lalo na ang mga OFW sa UAE.
Saklaw ng CEPA ang mahahalagang sektor tulad ng digital trade, maliliit na negosyo, serbisyo, at sustainable development.
Makikinabang dito ang mga produktong Pilipino gaya ng saging, pinya, canned tuna, electronics, at iba pang in-demand na produkto sa UAE.










