Cauayan City – Sa kauna-unahang pagkakataon, magsisimula ang paligsahan sa pagitan ng mga talentadong Isabeleño sa Isabela’s Got Talent ngayong araw ika-5 ng Hunyo.
Sa eksklusibong panayam ng iFM News Team kay Isabela Provincial Tourism Officer Joan Maranan, matagal nang plano ng pamahalaang panlalawigan ang magkaroon ng Isabela’s Got Talent at sa wakas ay natuloy na ito ngayong taon.
Ayon kay Officer Maranan, magaganap ang kompetisyon tuwing Biyernes ng hapon kung saan sampung talentadong Isabeleño ang magpapaligsahan.
Sinabi rin ni Officer Maranan na ang tatanghaling panalo ngayong biyernes ay muling sasabak sa kompetisyon sa susunod na linggo upang hamunin ang panibagong weekly winner, kung saan kinakailangan nitong manalo ng apat na beses para makapasok sa Grand Finals.
Samantala, ang kompetisyon ay bukas para sa lahat ng talentadong Isabeleñong hindi lalampas sa edad na 65 kaya inaanyayahan ang lahat na lumahok sa naturang patimpalak upang magkaroon ng tiyansang makapag-uwi ng P100,000 papremyo.