KAUNA-UNAHANG KASO NG DELTA VARIANT SA PANGASINAN, NAITALA

Kinumpirma ng Provincial Health Office ng Pangasinan na mayroon nang naitalang kaso ng mas nakakahawang Delta Variant sa lalawigan.

Ayon kay Dra. Anna De Guzman, Provincial Health Officer, ang pasyente ay isang seafarer na umuwi ng Pilipinas noong ika- 13 ng Hulyo at dumaan sa dalawampu’t isang araw na quarantine sa isang hotel sa Maynila matapos magpositibo sa sakit.

Ika-3 ng Agosto ay umuwi ito sa kanilang tahanan sa Natividad, Pangasinan dahil siya ay clinically recovered na mula sa sakit. Nakauwi na ito sa lalawigan bago pa man dumating ang resulta ng kaniyang Whole Genome Sequencing na positibo sa Delta Variant.


Sinabi ng lokal na pamahalaan ng bayan na wala itong sintomas ng COVID-19 at naka strict home quarantine habang hinihintay ang resulta ng kaniyang swab test na ginawa ngayong araw.

Maging ang pamilya, kasambahay at iba pang nakasabay ng pasyente nang pauwi ito sa lalawigan na mula sa Dagupan City, Alaminos, Binalonan, Lingayen, Malasiqui, Manaoag, Rosales, San Fabian at Sto. Tomas ay nasa strict monitoring na ng awtoridad.

Samantala, nagpapaalala naman ang PHO na manatiling sumunod sa pinaiiral na public health standard at magpabakuna sa nakakahawang sakit.

Facebook Comments