Kauna-unahang LGU Molecular Laboratory sa Cagayan Valley, Binuksan sa City of Ilagan

Cauayan City, Isabela- Umaabot na sa higit kumulang 300 na specimen sample ang sinusuri ng mga doktor matapos na pormal ng buksan ang San Antonio City of Ilagan Hospital (SACIH) Molecular Laboratory noong martes, Nobyembre 24.

Sa panayam ng iFM Cauayan kay Dra. Analyn Paguirigan, iisang RT-PCR test ang kasalukuyang ginagamit ng laboratoryo subalit kaya itong magsuri ng 300 specimen kada araw.

Aniya, dagsaan din ngayon ang mga pribadong kumpanya na gustong magpasuri sa laboratory para tingnan ang lagay ng kalusugan laban sa banta ng COVID-19.


Sinabi pa ni Dra. Paguirigan na pansamantalang inabisuhan sila ng Department of Health (DOH) na magsagawa muna ng pagsusuri para sa mga Ilagueño pero handa naman ang kanilang pamunuan na tumanggap ng magpapasuri mula sa mga kalapit na bayan.

Samantala, nakatakda namang magsagawa rin ng pagsusuri sa mga barangay sa mga susunod na araw batay sa napagkasunduan ng RHU 1 at 2 partikular sa mga buntis, senior citizen at may comorbidities.

Ito ang kauna-unahang LGU na may molecular laboratory sa buong lambak ng Cagayan.

Facebook Comments