Isinagawa ang kauna-unahang multicultural na camp sa rehiyon uno sa pangunguna ng Pangasinan State University.
Ang PRIME Camp o Promoting Region 1 through Multicultural Experience Camp ay naglalayong maipakita sa mga dayuhan gayundin sa ibang kalahok mula sa ibang probinsya ang kultura ng rehiyon uno.
Aabot sa 28 ang delegado na pawang mga propesor at estudyante, kung saan 14 sa kanila ay nagmula pa sa bansang Indonesia, Malaysia, Vietnam at India, samantalang ang kalahati ay sa ibang probinsya ng bansa.
Ayon kay PSU President Dr. Elbert Galas, mahalaga ang ganitong mga aktibidad upang maisulong pa ang internationalization ng unibersidad.
Sinegundahan naman ito ni PSU Vice President for Local and International Affairs Dr. Ian Evangelista na nagsabing patungo ang unibersidad sa pagiging industry-driven.
Malaking tulong naman umano ito para kay Rebieiaah Al Eaadawiyah mula sa Universitas Negeri Malang sa Indonesia upang maibahagi niya rin sa kanyang mga kababayan ang kanyang mga natutunan.
Tiniyak naman ng pamunuan ng unibersidad na ang mga ganitong kaganapan ay magdudulot ng maganda sa mga mag-aaral, empleyado at mga stakeholders nito.
Ginanap ang PRIME Camp mula June 30 hanggang July 4. Kung saan lumahok sa iba’t ibang training ang mga delegado gayundin ang pagpunta nila sa Ilocos Sur at La Union, upang malaman ang kasaysayan at kultura sa mga nasabing lugar. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









