Kauna-unahang Onion Research Center, itatayo ng DA sa Bongabon, Nueva Ecija

Itatayo ng Department of Agriculture (DA) ang kauna-unahang onion research and Extension Center sa Bongabon, Nueva Ecija.

Ito ay bahagi ng mga pagkilos ng gobyerno para pasiglahin ang industriya ng sibuyas at tulungan ang mga lokal na magsasaka.

Ang itatayong research center na nasa compound ng Bongabon Agricultural Trading Center ay naglalayong gawing self-sufficient sa sibuyas ang Pilipinas at unti-unting mag-aalis sa pangangailangan ng importasyon.

Bukod sa pagbibigay ng DA ng mga serbisyo at suporta sa produksyon ng magsasaka, gagawa rin ng mga de-kalidad na binhi, mga input sa bukid, mga pataba, at tulong sa pamamahala ng peste at sakit.

Paliwanag pa ng DA na noong 2024, umabot sa mahigit 264,323 metriko tonelada ang produksyon ng sibuyas sa bansa na may 4.48% na pagtaas mula 2023.

Gayunpaman, lagi pa rin itong kulang sa inaasahang demand na 270,000 metric tons.

Matatandaan na nito lamang nakalipas na buwan ng Pebrero ay inaprubahan ng Department of Agriculture ang pag-import ng 4,000 tonelada ng sibuyas.

Ang Bongabon ay nag-aambag ng humigit-kumulang 15% ng kabuuang produksyon ng sibuyas sa bansa.

Facebook Comments