DAGUPAN CITY, PANGASINAN – Matagumpay na isinagawa ang Ceremonial Vaccination o ang kauna-unahang pagbabakuna para sa mga kabataang edad 12-17 anyos na ginanap sa Dagupan City National High School nito lamang ika-5 ng Nobyembre.
Ang pagbabakuna sa mga nasabing edad ay ang kauna-unahang pagkakataon dahil nalalapit na ang face-to-face classes at upang maengganyo ang mga kabataan na magpabakuna at sa patuloy na laban pa rin sa sakit na COVID-19.
Ayon kay Dr. Dalvie Casilang, City COVID-19 Focal Person, sinabi nitong prayoridad muna sa ngayon ang mga kabataang naninirahan sa lungsod para magpabakuna.
Pfizer and Moderna ang mga bakunang inaprubahan para iturok sa mga pedia populations.
Samantala, ayon naman kay Atty. Mike Datario, ang Chief of Staff at City Administrator ng Lungsod, asahan umano ang tuloy-tuloy na pagbabakuna sa mga kabataan dahil sa kagustuhan ng Dagupan City LGU na makamit ang 70% herd immunity level sa buwan ng Disyembre.
Sa matagumpay na inoculation, laking pasasalamat ng mga magulang dahil sa wakas ay mabibigyan na ang kanilang mga anak ng proteksyon laban sa COVID-19 at bilang paghahanda na rin sa pagbabalik ng face-to-face classes sakaling mapabilang na ang lungsod.
Dinaluhan ang naturang programa ng mga kawani ng City Health Office sa pangunguna ni Dr. Dalvie Casilang, Dagupan City COVID-19 Focal Person, Dagupan City National High School Principal, mga doktor at espesyalista mula sa Philippine Pediatric Society Northern Luzon Chapter kung saan binigyang diin ang kahalagahan ng pagbabakuna sa mga ito.
Samantala, hinihikayat naman ang lahat ng kabataan at iba pang mga residente ng lungsod na magparehistro na sa dagupan.vaccine.ph para makakuha na ng proteksyon laban sa virus.