Kauna-unahang petisyon kontra Anti-Terror Law, natanggap na ng Korte Suprema

Nagtungo ang grupo ng mga abugado sa Korte Suprema para sa physical filing ng kanilang petisyon laban sa kontroberysal na Anti-Terrorism Act of 2020.

Kabilang sa mga petitioner ay sina Atty. Joseph Peter Calleja, University of the Philippines (UP) Law Professor Christopher John Lao, Dr. Reynaldo Echavez, mga civic group na Tunay na Bayani at Bagong Siklab Pilipinas, at si Bro. Armin Luistro, De La Salle Brothers, Inc. at iba pa.

Noong weekend, inihain ng grupo ang petisyon sa pamamagitan ng electronic filing at ito ang kauna-unahang petisyon na inihain sa Korte Suprema laban sa Anti-Terrorism Act, mula nang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Biyernes.


Ayon kay Atty. Calleja, natanggap na ng Korte Suprema ang electronic filing ng petisyon at na-acknowledge na ito.

Batay sa Petition for Certiorari and Prohibition na inihain ng grupo ng mga abugado na pinangunahan ni Atty. Calleja, humihirit sila sa Korte Suprema na magpalabas ng Temporary Restraining Order (TRO) at Writ of Preliminary Injunction upang mapigilan ang nakatakdang implementasyon ng batas, sa July 19, 2020.

Humiling din ang petitioner na ipawalang bisa ang hindi bababa sa sampung section ng Anti-Terrorism Act.

Paliwanag nila, mayroong probisyon na taliwas at magiging paglabag sa karapatang-pantao sa ilalim ng 1987 Constitution.

Facebook Comments