Kauna-unahang Pinay US women’s champion na si Yuka Saso, bibigyang pagkilala sa Kamara

Pinuri ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang makasaysayang pagkapanalo ng Filipina golfer na si Yuka Saso sa United States Women’s Open (USWO).

Sa House Resolution 1852 na inihain ni Senior Citizen Partylist Rep. Rodolfo Ordanes ay bibigyang pagkilala ng Kamara ang pinakabatang Champion ng USWO.

Sa edad ni Saso na 19 taong gulang ay nasungkit nito ang kampeonato at tinalo sa golf sina Lexi Thompson ng Estados Unidos at Nasa Hataoka ng Japan.


Naniniwala si Ordanes na ang panalo ni Saso ay nakaukit na sa sports history ng bansa bilang kauna-unahang Pilipino na nanalo ng major golf tournament.

Ang makasaysayang panalo ni Saso ay mas lalo aniyang magbibigay inspirasyon sa mga Pinoy para ipagpatuloy at kahiligan ang golf bilang sports o hobby.

Si Saso na tubong San Ildefonso, Bulacan ay nagwagi na ring double-gold medalist noong 2019 sa Asian Games at dalawang beses na nanalo sa Ladies Professional Golf Association ng Japan.

Facebook Comments