Nagbukas ng isang call center ang Partido Reporma na sasagot sa tawag at katanungan ng publiko tungkol sa polisiya at plataporma ng partido at ng standard bearer nito para sa 2022 elections na si Senador Panfilo Lacson.
Ayon sa Membership Division ng Partido Reporma , ito ang kauna-unahang political call center sa bansa na binubuo ng 10 hanggang 20 call center agents.
Anila, ang mga ahenteng ito ay tututok sa pagbibigay impormasyon tungkol sa kandidatura ni Lacson , runningmate na si Senate President Vicente Sotto III at mga senatorial bets ng partido.
Nabatid na multi-lingual din ang kanilang call center agents na marunong magsalita ng Filipino at English at local dialect na para masagot katanungan na magmumula sa iba’t ibang rehiyon.
Maliban dito, layon din ng nasabing information call center na labanan ang fake news na kumakalat sa social media.
Samantala, una nang inilatag ng partido ang Online Kumustahan kung saan mismong sina Lacson at Sotto ang makikipag-ugnayan sa publiko para alamin ang kanilang kalagayan at isyu.