
Pinagtibay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang matatag na ugnayan ng Pilipinas sa European Union at Japan, sa magkahiwalay na bilateral meetings sa sidelines ng 47th ASEAN Summit and Related Summits.
Sa kanyang pulong kay European Council President António Costa, tiniyak ni Marcos Jr. ang kahandaan ng Pilipinas na palawakin ang kooperasyon sa larangan ng kalakalan at pamumuhunan, kasabay ng pagtindig sa multilateralism at pagpapatatag ng rules-based international order.
Nagpahayag naman ng buong suporta si Costa sa magiging chairship ng Pilipinas sa ASEAN sa 2026, at tiniyak ang patuloy na pakikipagtulungan ng European Union sa mga isyung pang-rehiyon.
Samantala, kabilang sa mga tampok ng Summit ang makasaysayang unang bilateral meeting ni Marcos Jr. kay Japan Prime Minister Takaichi Sanae — ang kauna-unahang babaeng lider ng Japan.
Binigyang-diin ng dalawang lider ang mas pinatibay na defense at security cooperation ng dalawang bansa, partikular ang pagpapatupad ng Reciprocal Access Agreement (RAA) na nilagdaan noong Setyembre 2025.
Kasabay nito, muling iginiit ng Pilipinas at Japan ang kahalagahan ng Trilateral Cooperation kasama ang Estados Unidos bilang haligi ng kapayapaan, katatagan, at pag-unlad sa Indo-Pacific region.









