KAUNA-UNAHANG RECYCLED PAROL MAKING CONTEST, TAMPOK SA BRGY. MALABAGO, CALASIAO

Tampok ngayon sa Brgy. Malabago, Calasiao ang kauna-unahang Indigenous and Recycled Parol Making Contest, na hindi inurungan ng iba’t-ibang grupo sa lugar.

Paano ba naman, maaaring mag-uwi ng ₱10,000 ang 1st Place, ang 2nd place ay ₱7,000, ang 3rd place ay ₱5,000, at ₱1,000 naman ang ipagkakaloob sa ibang kalahok.

Kabilang sa mga nakiisa ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang grupo tulad ng TODA, senior citizens, BHW, Tanod, kabataan, 4Ps, Sangguniang Kabataan, Brotherhood, Daycare parents, Pastoral groups, Rural improvement Club (RIC), Malabago Teaching Force, samahan ng mga magsasaka at kanilang pitong sitio.

Ipinamalas nila ang kanilang husay sa pagdidisenyo gamit ang mga materyal tulad ng kawayan, dayami, ipil ipil, at iba pang lokal at recycled na kagamitan.

Ayon kay Brgy. Capt. Angelo Troy Conte, ang aktibidad ay hindi lamang para pasiglahin ang selebrasyon ng Pasko, kundi isang paraan upang palakasin ang pagpapahalaga sa kulturang Pilipino at suportahan ang lokal na komunidad sa pamamagitan ng malikhaing sining.

Samantala, mamaya, Disyembre 4, kasabay ng pagdiriwang ng kanilang Barangay Silew Silew, iaanunsyo ng mga hurado ang mga mananalo.

Ngayon pa lang ay labis na ang tuwa ng mga taga-Barangay Malabago, Calasiao dahil nagsisilbi rin ang aktibidad na ito bilang pagkakataon upang muling magsama-sama ang komunidad, lalo na’t abala ang karamihan sa kani-kanilang mga trabaho. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments