CAUAYAN CITY – Inaasahang maitatayo sa Lambak ng Cagayan ang kauna-unahang Skyport sa buong Pilipinas.
Sinabi ni Regional Director Troy Alexander G. Miano, nagkakahalaga ng P25 milyung piso ang ilalaan para sa pagpapatayo ng nasabing imprastraktura partikular sa Ambaguio.
Aniya, ito ay matapos nagkampeon ng naturang bayan sa inilunsad na Tourism Champions Challenge (TCC) ng Department of Tourism noong Abril ng kasalukuyang taon, na ginanap sa Philippine International Convention Center kung saan mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nagkaloob ng parangal.
Dagdag pa niya, kilala ang Ambaguio na patok para sa paragliding activity kaya naman sa pamamagitan ng Skyport ay mas tataas pa ang turismo hindi lamang sa nasabing bayan kundi ng buong Cagayan Valley.