KAUNA-UNAHANG SUGOD BAYAN PROGRAM SA BANSA, INILUNSAD SA REHIYON DOS

CAUAYAN CITY – Inilunsad ng Department of Health – Cagayan Valley Center for Health Development (DOH-CVCHD) ang kauna-unahang Sugod Bayan Program sa buong bansa sa Lambak ng Cagayan.

Layunin ng programang ito na ilapit ang serbisyong pangkalusugan sa mga mamamayan at gawing mas mabilis ang kanilang pag-rehistro sa Primary Health Care Provider, upang makapag-avail nang libre sa Konsultasyong Sulit at Tama (KonSulta) program ng PhilHealth.

Ayon kay Janriel Lavadia, Program Coordinator ng Sugod Bayan Program, ilan sa mga libreng serbisyong hatid nito ay immunization, nutrition service, HIV at TB testing, at screening non-communicable diseases.


Dagdag pa niya, layunin ng DOH na gawing regular na bahagi ng mga operasyon ng Rural Health Unit (RHU) ang Sugod Bayan Programa sa bawat lokal na pamahalaan (LGU).

Sinabi naman ni Dr. Guia Comillas, Chief ng Local Health Support Division ng DOH-CVCHD, na ang mga health care providers mismo ang lalapit sa mga komunidad upang maghatid ng serbisyong pangkalusugan.

Ang Sugod Bayan Programa ay isang makabagong inisyatibo na naglalayong tiyakin na ang serbisyong medikal ay abot-kamay at naaayon sa pangangailangan ng bawat mamamayan sa Rehiyon Dos.

Facebook Comments