Itinampok ang talino, inobasyon, at malikhaing ideya ng mga kabataang negosyante sa kauna-unahang Youth Entrepreneurship Summit na ginanap sa SM City Urdaneta, katuwang ang Department of Trade and Industry (DTI) Region 1 at Commission on Higher Education (CHED) Region 1.
Dinaluhan ng mahigit 450 estudyante mula sa 15 higher education institutions sa Pangasinan at La Union, layunin ng aktibidad na linangin ang kakayahan ng kabataan sa pagnenegosyo at ihanda sila bilang susunod na henerasyon ng mga lokal na entrepreneur.
Isa sa mga tampok ng summit ang Business Pitch Competition, kung saan itinanghal na kampeon ang mga estudyante mula sa University of Pangasinan – PHINMA dahil sa kanilang makabagong ideya sa negosyo na layong tugunan ang pangangailangan ng merkado gamit ang sustainable na solusyon.
Bukod sa kumpetisyon, nagkaroon din ng mga talks at mentorship sessions mula sa mga eksperto sa industriya, na nagbahagi ng kaalaman sa pagtatayo ng negosyo, digital marketing, at financial literacy.
Sa pamamagitan ng naturang summit, pinagtibay ng mga organizer ang ugnayan ng sektor ng edukasyon, negosyo, at pamahalaan sa pagsusulong ng kabataang may kakayahan, kumpiyansa, at malasakit na magtaguyod ng sariling kabuhayan sa rehiyon.









