Mas kakaunti lang ang mga turistang nagtungo ng Boracay sa unang araw ng muling pagbubukas nito.
Ayon kay Malay Mayor Frolibar Bautista, isa sa nakikita nilang dahilan ay ang pagkuha ng mga requirements ng mga turista, pero naiintindihan umano nila ito dahil para rin ito sa kapakanan at kaligtasan ng lahat ng tutungo sa isla.
Una nang sinabi ng alkalde na nasa 2,000 mga turista ang papayagang makapasok sa isla.
Matatandaang simula noong Marso ay isinara sa mga turista ang Boracay Island upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Samantala, kahit bukas na para sa mga turista sa Region 1 ang Baguio City, wala pa rin halos nagtungo doon ngayong araw.
Nabatid na walang nagpalista na turista ngayong araw sa Baguio Visita website.
Makalipas naman ang dalawang linggo ay posibleng payagan na ang mga turista sa Regions 2 at 3 habang sa buwan ng Nobyembre ay maaari nang makapunta sa Baguio City ang mga taga-Metro Manila.