Kautusan na dapat iparehistro ang kasunduan sa pagkuha ng prangkisa ng MSMEs, pinirmahan na ng pangulo

Pinirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang kautusan na nag-aatas na kailangan iparehistro ang mga kasunduan para sa pagkuha ng prangkisa ng mga Micro, Small and Medium Enterprises o MSMEs.

Ito ay batay sa inilabas na Executive Order 169, kung saan binibigyang diin na ang naturang hakbang ay para sa pagpapalakas ng franchising industry na may layong bigyang proteksyon ang mga MSMEs.

Kaugnay nito, nakasaad din sa batas na ang paglikha ng franchise registry kung saan ipaparehistro ang kasunduan ng prangkisa.


Kabilang sa ipaparehistro ay ang pangalan at description ng produkto, ano-ano ang mga karapatan na ibinibigay sa mga MSMEs franchising, magkano ang franchise fee at iba pa.

Dagdag pa, kailangan din nakasulat ang franchise agreement ng pinasok ng magkabilang panig at dapat detalyado ito.

Samantala, batay sa talaan ng Philippine Statistics Authority o PSA noong 2019, ang MSMEs ay kumakatawan sa 99.5% sa mga negosyo sa bansa kung saan 68% ay pasok sa franchising.

Ayon pa sa PSA, ang isang negosyo ay makokonsidera na MSMEs kung ang halaga ng asset nito ay nasa pagitan ng limangpung libong piso hanggang dalawampung milyong piso.

Kaugnay nito, inaatasan din ng nasabing batas ang Department of Trade and Industry o DTI na gumawa ng hakbang para sa pagbibigay ng insentibo sa mga kwalipikadong franchisor alinsunod sa mga batas, patakaran at regulasyon.

Facebook Comments