Kautusan ng bagong PNP chief na crackdown kontra jueteng at iba pang iligal na sugal, welcome sa PCSO

Welcome sa Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO ang kautusan ni Philippine National Police o PNP Chief P/Gen. Benjamin Acorda Jr.

Ito’y makaraang ipag-utos kamakailan ni Acorda ang pagpapatupad ng One Strike Policy sa mga police commander na mabibigong ipatigil ang jueteng at iba pang iligal na sugal sa kanilang nasasakupan.

Ayon kay PCSO General Manager Mel Robles, nagpapasalamat sila sa pamunuan PNP sa suporta nito sa kanilang kampaniya kontra iligal na sugal sa bansa.


Paliwanag ni Robles, nagdudulot ito ng negatibong epekto sa kita ng PCSO dahil napupunta lamang sa mga illegal gambling operators ang pera na dapat sana’y ipinantutulong nila sa mga Pilipino.

Kasunod nito, umapela si Robles sa publiko na tangkilikin lamang ang kanilang mga palaro tulad ng Lotto, Scratch It at Small Town Lottery na sumusuporta sa mga pagkakawang-gawa ng ahensya.

Sa huli, nagbabala ang PNP at PCSO sa mga illegal gambling operator na tumigil na sa kanilang aktibidad dahil ipatutupad ng pamahalaan ang mga umiiral na batas na sumasaklaw dito.

Facebook Comments